Mga hakbang para pigilan ang pagpasok ng Avian Influenza sa CALABARZON, tinutukan
Isinulat at Kuha (Mga Larawan) ni Nataniel Bermudez

Isang dagliang pagpupulong ang ipinatawag ni Regional Executive Director (RED) Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON kasama ang mga tanggapan ng mga Provincial Veterinarian ng mga Local Government Unit (LGUs) sa CALABARZON upang mapigilan ang pagkalat ng Avian Influenza A virus Subtype H5 na nararanasan sa Pampanga.

Sinabi ni Dr. Gloria G. Salazar, Hepe ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) at siyang namumuno sa Regional Quick Response Team (RQRT), na kailangan nilang paigtingin ang pagbabantay sa mga checkpoint. Tinalakay din niya ang mga plano at ginawa ng kanilang grupo ukol nasabing virus, kagaya ng pakikipag-ugnayan sa LGUs, pagsangguni sa Provincial Veterinarian at staff ng Batangas, pagsunod sa Memorandum Circular na pinirmahan ni Assistant Secretary for Livestock at Officer-In-Charge (OIC)-Director of Bureau of Animal Industry (BAI) Enrico P. Garzon, Jr. tungkol sa pagbabawal sa pagbibiyahe ng mga buhay na lokal at mailap na ibon at mga produkto nito na magbubuhat sa Luzon papuntang Visayas at Mindanao.

Kasama rin sa mga tinalakay sa pagpupulong ang kung saan matatagpuan sa mapa ang mga nakatalagang checkpoint, kung kinakailangan pang dagdagan ang mga ito at tulong na kayang ibigay ng rehiyon para rito, at kung saan matatagpuan ang mga migratory bird para sa surveillance.

Napagkasunduan sa pulong na gagawing 16 ang kasalukuyang 12 checkpoints, gagamit ng 112 galon na disinfectant para rito, araw-araw, at magtatalaga ng 168 personnel na magbabantay dito 24 oras, araw-araw.

Magkakaroon ng susunod na pagpupulong ukol sa naturang virus sa Agosto 15 sa Batangas, Agosto 16 sa Rizal, Agosto 17 sa Laguna, Agosto 18 sa Cavite, at Agosto 22 sa Quezon. Pag-uusapan sa mga pulong na ito ang Avian Influenza Protection Program Manual of Procedures (2016), Resource Inventory of Personal Protective Equipment (PPE), at iba pang mga dapat gampanan ng RQRT.

Sa pagtatapos ng pulong, binigyang-diin ni RED de Mesa na maging maingat ang lahat sa pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa virus, maging mahigpit sa mga quarantine checkpoint at border control, at manalangin ang lahat na hindi ito makapasok sa ating rehiyon.