Isinulat at Kuha (Mga Larawan) ni Amylyn Rey

“Mas magtulungan pa tayo para mas mapalakas natin ang iba’t ibang sektor ng agrikultura. Alamin natin ang comparative advantage ng mga palayan, merkado, livestock, state universities and colleges, at marginal lands na p’wedeng i-develop for entrepreneurial activities nang sa gayon, we are able to see the big picture where we are about to go.”

Ito ang tinuran ni Regional Executive Director (RED) Arnel V. de Mesa bilang pagsuporta sa mga gawain ng Agricultural and Fishery Councils (AFCs) nang isinagawa ang “Orientation on Basic Monitoring and Evaluation of DA Programs and Projects with Geotagging Application” noong Mayo 3-5, 2017 sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC), Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas.

Dito ay itinampok ang pagtuturo sa mga nagsipagdalo ng geotagging na pinangunahan ni Jordan Israel J. Cabanding, Information Systems Analyst I ng Management Information System (MIS), Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON. Ang geotagging ay isang proseso ng pagkuha at pagkalap ng mga impormasyon mula sa mga litrato at videos, na karaniwang ginagamitan ng camera o mobile phone na may global positioning system (GPS).

Sa paggamit ng geotagging sa ilang mga programa at proyekto ng kagawaran, tulad ng farm-to-market road (FMR), mga ipinamahaging farm machinery o equipment, sakahan, at iba pa, ay makasisiguro na may integridad at tama ang accomplishment report, partikular sa patuloy na paggawa ng programa.

“Ang PCAF (Philippine Council for Agriculture and Fisheries) ay may planong bumili ng mga mobile phone para sa mga AFC na kanilang magagamit para magkaroon ng tunay at tamang pagsubaybay (real-time monitoring) sa mga lugar na kinaroroonan ng mga programa at proyektong ipinapatupad at isinasagawa ng DA,” ani ni Guillermo Agripino “James” M. Argosino, RAFC Chairman at Farmer-Director ng kagawaran ngayong buwan.

Samantala, upang mas lalong maunawaan at maisakatuparan ng mga AFC ang kanilang tungkulin at responsibilidad bilang mga katuwang ng kagawaran sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto, ay tinalakay din sa naturang aktibidad ang ilang mga paksa, tulad ng: Participatory Monitoring and Tracking – Amor A. dela Cruz, RAFC Coordinator; AFC Monitoring Guidelines – Cyril L. Soliaban, PCAF Monitoring and Evaluation Section Chief; Programs, Projects, Services, Researches, and Accomplishments of Regional Banner Programs and Regional Agricultural Engineering Division (RAED) – Regional Banner Program Coordinators and RAED Chief; at Programs, Projects, Services, Researches, and Activities of Integrated Laboratory Division – Laboratory Chiefs.

Ito ay dinaluhan ng halos 40 AFC Regional Monitoring Teams (RMTs) at Provincial Monitoring Teams (PMTs).

Dumalo rin sa tatlong araw na aktibidad ang mga Agricultural Program Coordinating Officer (APCOs).