Isinulat ni Amylyn Rey
Kuha (Mga Larawan) ni Michael Joe Maneja, Corn Program Staff

Bilang pagsunod at pagtupad sa tungkuling paunlarin at payabungin ang sakahan sa rehiyon, patuloy na nagbibigay ng suporta ang Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON maging sa mga mamumuhunan kagaya ng Tuy Community Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa lalawigan ng Batangas.

Kamakailan lamang ay pinasinayaan sa Brgy. Pangao, Lipa City ang isang cassava postharvest facility na tinatawag na extrusion machine, isang kagamitang pansakang ginawa mismo ng nasabing kooperatiba.

“Isang malaki at magandang pagkakataon para sa aming grupo na makipagtulungan sa Department of Agriculture ng region dahil ang pagkakabuo at pagkakaroon namin ng extruder ay hindi nababalewala. Maraming salamat dahil kinikilala ninyo ang aming proyekto na kauna-unahan sa CALABARZON,” ipinahayag ni Roberto E. Matalog, President at Chief Executive Officer (CEO) ng kooperatiba.

Ang extruder ay ginagamit sa pagpoproseso ng isang raw material upang makagawa ng isang produkto. Sa pasilidad na ito ay pinaghahalo at niluluto ang cassava at copra flour mill. Ang mixture na ito naman ay isinasangkap sa feed formulation.

“Kapag ang ganitong equipment ay naging matagumpay, maaari tayong humiling ng budget para rito nang sa gayon ay mapabilang ito sa mga machinery na ating ipinapamahagi sa mga magsasaka,” sinabi ni Avelita M. Rosales, Regional Corn Program Coordinator, na siya ring nanguna sa ribbon-cutting.

Ang kagawaran ay sumusuporta sa kooperatiba sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanim na cassava na ipinoproseso sa naturang machine upang makagawa ng mixture.

Samantala, dumalo rin sa okasyon sina Guillermo Agripino M. Argosino, Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) Chairman; Antonio I. Zara, Regional Livestock Program Coordinator; Fidel L. Libao, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO)-Batangas; at Pedrito R. Kalaw, Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC)-Batangas Chairman