(Balita, mula sa APCO-Rizal)

Bilang bahagi ng tungkuling matiyak ang kalagayan ng mga magsasaka ng lalawigan ng Rizal ay pinangunahan ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Maria S. Cribe ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON ang pagbisita sa mga miyembro ng Iñigan Upland Farmers’ Association at ng kanilang farm sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal, noong Marso 10, 2017.
Ayon kay APCO Cribe, “parang isang paraiso ang inyong farm; ang lawak ng taniman; at very hospitable ang mga tao.” Binanggit din niya ang tungkol sa balak niyang hilinging muling i-validate ang pagkakaloob ng kagawaran ng tramline para sa grupo sapagkat higit anya nilang kailangan ito ngayon dahil sadyang mahaba ang kanilang nilalakad at tumatawid pa sila ng ilog bago maibaba sa paglalagakan ang kanilang mga tanim tulad ng talong, saging, at iba pa.
Sinabi naman ni Serenito Ycay, Presidente ng naturang asosasyon, “kami po ay natutuwa sa inyong pagdalaw dahil sa ganitong pamamaraan ay maaari po naming maipaabot pa sa inyo ang ilan naming pangangailangan at maipagmalaki ang aming farm.”
Ang Iñigan Upland Farmers’ Association farm ay may halos 30 ektaryang taniman ng talong at 390 ektarya sa saging.
Samantala, kasama rin sa pagbisita sina William Ycay, Banana Growers’ Association President; Anson Go, Municipal Agriculturist; Kap. Edgardo Sison ng Brgy. San Rafael; Ruben Perlas, Agriculturist II ng kagawaran; at Municipal Tourism Officer.